Noong nakaraang linggo ay merong ipinatawag na Synod ang simbahan. At bilang isang pari, isa ako sa mga dumalo. Ang lahat kasi ng mga lingkod ng Dyos dito sa Pilipinas ay ni-require na mag-attend. Kahit yung mga prayle noong panahon ng Kastila ay imbitado. Nag-provide ang simbahan ng teleportation machine (courtesy of Engr. Dinggel) para lamang maka-dalo sila sa Synod.

Nagkaroon ako ng tsansang makausap si Padre Damaso noong break time. Tama ang paglarawan ni Rizal sa kanya. Pandak ito at mataba. At ang ilong niya’y mamula-mula, na para bang hahatsingin anumang oras.

Sa maikling panahon na iyon ay naikuwento niya sa akin na meron daw bagong dating sa kanilang bayan na anak ng isang mayamang pamilya. At malakas daw ang kutob niya na may masamang pakay ang taong iyon. Nang mabanggit niyang Crisostomo Ibarra ang pangalan ng taong ikinukuwento niya ay di na lang ako umimik.

Nakapag kuwento rin ako sa kanya ng mga bagay-bagay sa kasalukuyang panahon. Medyo hindi niya naintindihan ang tungkol sa war on drugs ni Duterte at yung PDAF scam kaya’t isinalaysay ko na lang sa kanya ang tungkol sa EDSA Revolution. At dahil ito ay tungkol sa pag-aalsa ng taong-bayan laban sa mga nanunungkulan sa gobyerno ay naka-relate agad siya.

Napahaba ng kaunti ang aming usapan at marami siyang mga interesanteng opinyon na binitawan. Ngunit isa sa mga sinabi niya ang nag-iwan ng marka sa akin. Naitanong ko kasi sa kanya kung dapat na bang ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani kahit siya’y napatalsik dahil sa pag-abuso ng kapangyarihan.

Ganito ang kanyang naging sagot:

“No es puede.

An pagcaca intiende co sa El Libingan nan mañga Bayani ay ito an himlayan nan mañga Filipino na nag-alay nan dugo, pawis, y luha para sa icabubuti nan ating patria adorada. Hindi bumuti an Filipinas noon nanunculan si Señor Marcos. Y despues, siya pa an nagin na dahilan cun porque maramin na mañga Filipino an nag-alay nan dugo, pawis y luha para lamang macahulagpos sa cañan mapang-abusong panununculan.

Cun anuman an cañan mga bueno na nagawa ay winalang bisa nan mga pagpatay at pag-abuso sa carapatan na pantao nan mga indio sa panahon nan cañan panununculan.

Este es la lohica de mi argumento: An isa na criminal, may yugto nan cañan buhay na cia ay inosente y wala na kamuwang-muwang. Yun ay noon cia ay sanggol pa lamang. Pero an cañan pagigin inosente na iyon ay hindi na isinasa-alang alang capag cia ay nacagawa nan por dios por santo!, carumaldumal na casalanan. Sa mata nan batas, an mamamatay-tao na iyon ay nagcasala at dapat pinaparusahan.

At hindi inililibing sa El Libingan nan mañga Bayani.”

Tumunog ang kampana. Hudyat ng pag-umpisa ulit ng Synod. Habang naglalakad kami papasok ng auditorium ay naitanong ko sa kanya kung saan maganda ilagak ang mga labi ni Marcos.

“En la Bahia de Manila,” (Sa Manila Bay) ang mabilis niyang sagot.

Advertisements